Judge itinumba sa sabungan
MANILA, Philippines - Isa na namang judge ang napatay makaraang pagbabarilin ng di-kilalang lalaki na napaslang naman ng security escort ng hukom sa loob ng sabungan sa Barangay 8, Poblacion sa bayan ng Pambujan, Northern Samar kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Judge Reynaldo Espinar ng Municipal Circuit Trial Court (MCTC) ng Laoang, Northern Samar at nakatira sa Brgy. 1, Poblacion sa nasabing bayan.
Sa ulat ni P/Senior Insp. Mark Nalda ng PNP Eastern Visayas Regional Office na isinumite sa Camp Crame, naganap ang krimen sa loob mismo ng PADCOR Cockpit arena bandang alas-4:50 ng hapon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nasa sabungan si Judge Espinar kasama ang 49-anyos na close–in security escort nitong si Wilfredo Saromenes na isang retiradong Army nang biglang lapitan ng di-kilalang lalaki.
Armado ng cal. 9mm pistol ay biglang pinagbabaril sa ulo si Judge Espinar na duguang bumulagta.
Gayon pa man, habang papatakas ay binaril at napatay naman ng security escort ni Judge Espinar ang gunman na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Sa tala, ang biktima ay ikatlong hukom na ang napaslang sa loob ng 3-buwan kung saan unang napatay si Judge Ibnohajar Puntukan ng Sharia Court na binaril sa bayan ng Jolo, Sulu noong Marso 4, 2015.
Samantala, si Judge Wilfredo Nieves na ikalawang hukom ang pinagbabaril at napatay sa Malolos City, Bulacan noong Nobyembre 11, 2015.
- Latest