P495.6 milyon farm to market road sa Quezon itatayo
MULANAY, Quezon, Philippines — Isang proyektong farm-to-market road ang itatayo sa apat na barangay ng Mulanay, Quezon, matapos aprubahan ng Department of Agriculture(DA)-Philippine Rural Development Project Regional Project Advisory Board Calabarzon ang pondo para rito sa ilalim ng DA-PRDP Scale-Up. Tatakbo ito ng 15.33 kilometro at magkakahalaga ng P495,675,169.82.
Tutulong ang kalsada sa 9,140 katao at 2,299 kabahayan sa mga barangay ng Bagupaye, Cambuga, Mabini, at San Pedro. Pagdudugtungin nito ang dalawang magkalayong bahagi ng Mulanay-San Francisco national road upang mas mapabilis at mapadali ang biyahe sa mga kalapit na bayan tulad ng San Francisco at San Narciso.
Batay sa pag-aaral, magiging 19 minuto na lang ang biyahe mula sa komunidad hanggang sa pamilihan sa tulong ng itatayong kalsada. Mababawasan din ang lugi mula sa transportasyon mula 2.3% na magiging 1.2% na lamang.
Nagpasalamat si Mulanay Mayor Aristotle Aguirre sa RPAB at DA-PRDP Regional Project Coordination Office Calabarzon para sa suporta at tulong na kanilang natanggap. Tungo sa tagumpay at pagtagal ng proyekto, ipinahayag niyang tututukan at makikipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa DA at sa kanilang magiging contractor.
Sinabi naman ni RPAB spokesperson at DA 4A Regional Executive Director Fidel Lubao na nagpapasalamat sila sa LGU dahil sa inisyatiba na magkaroon ng katuparan ang proyekto.
- Latest