4 todas sa tubig-ilog
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Apat na katao ang nawawala na pinaniniwalaang nalunod matapos tangayin ng rumaragasang na tubig-ilog sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong si Lando sa mga lalawigan ng Nueva Viscaya, Isabela at Abra kamakalawa.
Sa ulat ng PDRRMC Nueva Viscaya, pinaghahanap pa rin ang 6-anyos na si Renai Tulliao nang tangayin ito kasama ang kanyang 11-anyos na kuya na si Maverick habang pinanonood ang lumalaking tubig sa tabi ng Bato River sa Barangay Sto. Domingo, bayan ng Bambang, Nueva Viscaya.
Tanging si Meverick lamang ang nasagip ng mga residente kung saan isinugod sa Nueva Viscaya Provincial Hospital.
Samantala, pinaghahanap naman ng rescue team si Jonathan Cadangyao matapos itong tangayin ng rumaragasang tubig sa Cagayan River habang hinahanap ang alagang kalabaw sa kasadsaran ng bagyo sa Barangay Dy-Abra sa bayan ng Tumauini, Isabela.
Sa bayan ng Cabagan, Isabela; tinangay din ng tubig-ilog si Manuel Ramos habang nagtatangkang mag-ahon ng mga inaanod na troso.
Sa pahayag naman ni Ma. Teresa Benas, hepe ng Philippine Information Agency na nawawala pa rin ang 24-anyos na si Ryan Tiglay nang tangayin ng tubig-ilog habang kinukuha ang mga isdang nahuli sa kanyang fish trap ng madaling araw sa Barangay Caganayan sa bayan ng Tineg, Abra.
Patuloy pa rin sinusubaybayan ng mga kinatawan ng Disaster Risk Reducation Management Councils ang mga bayan at lungsod sa pananalasa ni Lando.
- Latest