Tserman itinumba ng tandem sa meat shop

PILI, Camarines Sur, Philippines — Patay agad ang isang tserman ng barangay matapos pagbabarilin sa loob ng kanilang meat shop ng riding-in-tandem suspects sa Brgy. San Juan, Pili, Camarines Sur kahapon ng umaga.
Duguan at pataob na bumagsak ang duguang biktima na kinilalang si Nerio Brazal, nasa hustong gulang, residente at barangay kapitan ng naturang lugar. Tinutugis na ng mga pulis ang dalawang hindi nakilalang salarin na tumakas gamit ang motorsiklo patungo sa hindi malamang direksyon.
Sa ulat, dakong alas-5:10 ng umaga naka-upo sa loob ng kanilang meat shop ang biktima nang dumating ang dalawang suspek na lulan ng hindi naplakahang motorsiklo at parehong nakasuot ng bonnet. Sa hindi malamang dahilan ay walang kaabog-abog na pinagbabaril ang barangay chairman na agarang nasawi. Ilang basyo ng bala mula sa hindi malamang kalibre ng baril ang natagpuan ng mga rumespondeng pulis habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng gunmen at motibo sa pamamaslang.
Hustisya ang sigaw ng pamilya at mga kabarangay na pawang nagsabi na walang kaaway at mabait ang naturang opisyal.
Naghayag naman ng pakikisimpatiya ang LGU-Pili at balak na magbibigay ng reward sa sinumang makakapagturo sa mga salarin.
- Latest