Ex-mayor ng Lagayan, Abra itinumba!

MANILA, Philippines — Patay ang isang dating alkalde ng Lagayan, Abra matapos na pagbabarilin ng apat na hindi pa nakilalang armadong lalaki sa labas ng tahanan nito sa Bangued, kapitolyo ng nasabing lalawigan nitong Martes.
Kinilala ang biktima na si Jendrics Seares Luna, 54-anyos, idineklarang dead-on-arrival sa Seares Memorial Hospital sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Si Luna na anak ni dating Bangued Congresswoman Cecilia Luna ay tumakbo sa Sangguniang Panlalawigan nitong nakalipas na May 12 elections pero natalo.
Batay sa report ng Abra Police, naitala ang pamamaril sa biktima sa harapan ng kaniyang tahanan sa Brgy. Dangdangla, Bangued ng lalawigang ito dakong alas-8:22 ng umaga.
Sa imbestigasyon bigla na lamang sumulpot sa lugar ang dalawang motorsiklo na sinasakyan ng mga salarin saka walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima na nakaupo sa labas ng kanilang tahanan.
Nang matiyak na napuruhan ang target, mabilis na tumakas ang apat na suspek lulan ng dalawang motorsiklo.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima pero nabigo nang maisalba pa ang buhay nito.
- Latest