Task force sa 4 batang dinukot, binuo
MANILA, Philippines - Bumuo kahapon ng Special Investigation Task Group (SITG) “Batang Anghel” ang Batangas City Police dahil sa serye ng pagdukot sa mga bata kabilang ang apat pang nawawala ng hindi kilalang abductors sa nasabing lungsod.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, patuloy ang pagsisikap ng pulisya upang matunton ang mga dinukot na bata na nagkaka-edad ng 8-14.
Una nang naalarma ang mga residente ng Batangas matapos mapaulat na 10 menor-de-edad ang dinukot sa iba’t ibang lugar sa lalawigan sa loob lamang ng isang linggo.
Ang serye ng pagkawala ng mga bata ay nai-post sa social media. Gayunman, ilan sa mga bata ang nahanap at nakabalik na sa kanilang mga pamilya.
Ang mga bata ay napaulat na nawawala umpisa pa noong Agosto 27, 2015 ng gabi matapos silang hilahin at tangayin habang nasa jeepney ng ‘di kilalang kalalakihan.
Nasundan pa ang insidente nitong Setyembre 2-3 na ikinaalarma na ng mga residente sa lalawigan dahil sa sunud-sunod na pagdukot sa mga bayan ng Bauan, San Pascual at Batangas City.
- Latest