Bangka lumubog: Lolo, 4 apo lunod
MANILA, Philippines - Lima katao kabilang ang apat na paslit ang nasawi makaraang tumaob ang sinasakyang ng mga itong bangka nang balyahin ng malalaking alon sa trahedya ng pagsalubong sa Semana Santa sa Davao City nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Antonio Echavez, 63 anyos at mga apong sina Justin Kirk, 3; Morren, 5; at Carl Vincent Intod, 6 anyos at Rafael Oros, 3 anyos. Ang mga biktima ay pawang residente ng Muslim Village, NHA Bangkal sa Davao City.
Samantalang masuwerte namang nakaligtas ang bangkerong si Roland Ratayan, 32 at ang apat pang bata na nasagip ng dumaraang pumpboat na kinilalang sina Kissa Fait Mata, 3; Massfer Mata, 10; Ryza Jane Amado, 7 at Rizza Joy Oros, 10 taong gulang.
Sa ulat, sinabi ni Supt. Antonio Rivera, Spokesperson ng Police Regional Office (PRO) 11, pauwi na galing sa pagsu-swimming bilang blowout sa graduation sa isa sa mga bata sa Seagull Punta Dumalag sa Matina Aplaya sa lungsod ng Davao ang mga biktima lulan ng bangka nang mangyari ang insidente pagsapit ng mga ito sa karagatan ng NHA Bangkal dakong alas-4 ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon, binalya ng malalaking alon ang bangka bukod pa sa hindi ito balanse dahilan mas higit na marami ang sakay sa unahan bunsod upang tumagilid ito, pasukin ng tubig alon at lumubog.
Nagkataon namang may napadaang pumpboat ilang minuto matapos ang insidente at nasagip ang apat na batang survivors gayundin ang bangkero.
Narekober naman ang bangkay ng limang biktima matapos ang mga itong lumutang sa dagat ilang oras matapos na tumaob ang bangka. Inilagak na sa Angel Funeral Parlor sa Toril, Davao City ang bangkay ng mga biktima.
- Latest