Iligan City mayor, 14 pa kinasuhan ng multiple murder
MANILA, Philippines - Sinampahan na ng kasong kriminal ang grupo ni Iligan City Mayor Celso Regencia at 14 iba pa kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa pananambang sa convoy ni Iligan City Lone Congressman Vicente “Varf” Belmonte Jr. na ikinasawi ng 3 katao habang apat pa ang nasugatan sa Laguindingan, Misamis Oriental noong Disyembre 11, 2014.
Ayon kay Supt. Gervacio Balmaceda Jr., kasong three counts ng multiple murder at apat na multiple frustrated murder ang isinampa ng Special Investigation Task Group (SITG) Belmonte laban sa grupo ni Mayor Regencia sa Provincial Prosecutors Office.
Masuwerteng nakaligtas si Belmonte sa ambush na naganap ilang metro lamang ang layo mula ng lumabas sa paliparan ng bayan ng Laguindingan, Misamis Oriental.
Tatlo naman sa mga kasamahan nito ang nasawi habang sugatan naman ang iba pa.
Ayon kay Balmaceda, positibong itinuro ng mga nakuhang testigo ng SITG Belmonte ang mga suspek na siyang nasa likod ng pananambang, bukod pa ang ilang ebidensiyang nakuha ng mga imbestigador.
Una rito, inihayag ni Belmonte na pulitika ang motibo ng pananambang sa kaniyang convoy.
- Latest