Benguet tragedy: 13 patay, 3 sugatan
TUGEUGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Aabot sa 13-katao kabilang ang 12-estudyante ang magkakasunod na sinalubong ni kamatayan makaraang mahulog ang Ford Fiera type jeep sa may 300 talampakang lalim na bangin sa matarik na highway sa Barangay Bangbangay-yen, bayan ng Buguias, Benguet noong Martes ng hapon.
Sa police report na nakarating kay P/Chief Insp. Fernando Botangen, hepe ng Buguias PNP, kabilang sa namatay on-the spot ay ang driver ng Ford-Fiera type jeep na si Efren Dalisdis, at ang mga estudyanteng sina Jera Flair Mayao, 15; Maricel Basatan,13; Jera Madiano,15; Sheribeith Simeon,12, Jasmine Lestino,15; Minerva Menzi,16; at si Angie Aguien,15.
Idineklara namang patay sa Lutheran Hospital ang mga biktimang sina Mheljoy Agustin,15; Yvone Bestre,13; John Ray Dalisdis,16; Mari Faith Lamsis,15; at si Charee Bestre, 15, namatay naman habang ginagamot sa Baguio General Hospital.
Kasalukuyan namang isinasalba ang buhay sa Baguio General Hospital ang mga biktimang sina Reyshan Latuwed,18; at Jamerose Bankin, 15; habang si Elejoy Agpayasa, 17, ginagamot sa Lutheran Hospital.
Lumalabas sa imbestigasyon na nakahimpil ang Ford Fiera type (ABF-436) sa tabi ng highway na paakyat upang magbaba sana ng tatlong pasahero subalit bumigay ang preno kaya bumulusok paatras sa malalim na bangin.
Karamihan sa pasahero ng sasakyan ay mga estudyanteng pauwi mula sa Poblacion National High School.
- Latest