Mister pinabulagta sa palayan
CAVITE , Philippines – Pinabulagta ang 29-anyos na mister makaraang pagbabarilin ng di-kilalang lalaki habang nasa taniman ng palay sa Barangay Buenavista II sa bayan ng General Trias, Cavite kamakalawa ng gabi. Hindi na humihinga nang saklolohan ng kaniyang misis ang biktimang si Alfred Tuazon ng Tahanang Yaman sa nasabing barangay habang nakilala naman ang suspek na alyas Boy. Sa police report, nagpaalam ang biktima sa kaniyang misis na si Jonalyn na pupunta lang sa palayan sa likuran ng kanilang bahay. Gayon pa man, ilang minuto ang nakalipas ay nakarinig ng sunud-sunod na putok ng baril si Jonalyn at nang tingnan ay nakita ang duguang biktima. Narekober sa crime scene ang dalawang basyo ng baril habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest