3 pulis sugatan sa landmine blast, mayor nakaligtas
NORTH COTABATO, Philippines - — Nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang isang alkalde habang sugatan naman ang tatlo nitong security escort na pulis matapos sumabog ang patibong na landmine sa kahabaan ng highway sa Barangay Datu Inda, bayan ng President Roxas, North Cotabato kahapon.
Kinilala ni Captain Antonio Bulao, spokesman ng Army’s 602nd Infantry Brigade, ang mga nasugatan na sina SPO4 Castillo, PO3 Ilagas at si PO2 Joselex Avena na pawang security escort ni President Roxas Mayor Jaime Mahimpit na agad isinugod sa New Cebu Hospital.
Base sa nakalap na report, patungong Barangay Inda sa bayan ng President Roxas si Mayor Mahimpit kasama ang tatlong escort na pulis para tingnan ang road concreting project nang biglang sumabog ang landmine sa gilid ng highway.
Pinaniniwalaang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) Front Committee 53 ang nasa likod ng nasabing pagtatanim ng landmine sa highway.
Sa tala ng military, ang nasabing grupo ng mga rebelde ay sangkot sa talamak na pangongotong sa mga negosyante at residente sa mga bayan ng President Roxas, Makilala, Magpet.
- Latest