MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P45 milyong halaga ng ari-arian ang nilamon ng apoy makaraang masunog ang 11 establisamyento sa Izmart Steet sa pagbubukas ng Dinagyang Festival sa Iloilo City, Iloilo kamakalawa ng gabi.
Ayon kay F/Supt. Jerry Candido, hepe ng Iloilo City Fire Dept. kabilang sa mga nasunog ay ang Yoka Store, Lady Supermarket, PCSO Lotto outlet, JB Lucky Merchadizing, Mercury Money Changer, A.H. Trading at ang EC Marketing habang bahagya namang nadamay sa sunog ay ang dalawang malalaking tindahan.
Bandang alas-7:22 ng gabi nang magsimulang kumalat ang apoy sa isang hardware kung saan itinawag ito ng isang nagngangalang Vicky Conseja.
Nabulabog naman ang mga kalapit na establisamyento kabilang na ang mga hotel na tinutuluyan ng mga turista at dayuhang lokal na kalahok sa Dinagyang Festival kung saan ang isa sa ruta ng street dance competition ay natapat sa nasabing lugar.
Gayon pa man, kahapon ng madaling araw naapula ang apoy kung saan ilang miyembro ng pamatay-sunog ay nasugatan.
Pansamantalang walang iniulat na namatay habang nagsasagawa ng clearing ope-ration ang mga awtoridad.