108 bangkay narekober sa Cebu sea mishap
MANILA, Philippines - Umaabot na sa 108 bangkay ang narekober sa trahedya sa lumubog na barkong MV St. Thomas Aquinas 1 na nabangga ng Sulpicio MV Express 7 cargo ship sa karagatan ng Lawis Ledge malapit sa Talisay City, Cebu mahigit 2 linggo na ang nakalipas.
Ayon kay Lt. Jim Aris Alagao, spokesman ng AFP –Central Command, apat pang bangkay ng lalaki ang magkakasunod na narekober ng mga technical divers ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard sa lugar na kinalubugan ng barko.
Sa kasalukuyan, ayon pa kay Alagao ay nasa 29 pa katao ang nawawala sa naganap na trahedya.
Nabatid pa na karamihan sa mga narekober na bangkay nitong nagdaang ilang araw ay naagnas na at ang iba naman ang mga bahagi ng katawan ng tao.
Nasa 750 naman katao ang nailigtas sa nasabing trahedya na gumimbal sa lalawigan ng Cebu.
Sa tala, noong Agosto 16 ng gabi ay nabangga sa sensitibong bahagi ang MV St. Thomas Aquinas 1 ng Sulpicio MV Express 7 ng 2 Go Shipping Lines na siyang nagbunsod sa paglubog ng barko.
Bukod sa trahedya ay nag-oil spill na nakaapekto sa ilang coastal town ng Cordova at naapektuhan na rin ang Naga City, Cebu ng lalawigan.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa opisyal ay wala pang kautusan na ihinto ang search operations sa mga nawawala pang biktima.
- Latest