‘Drug pusher’ itinumba
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang onsehan sa droga ang isa sa motibo kaya napatay ang 28-anyos na sinasabing drug pusher matapos itong pagbabarilin sa gitna ng malakas na pagbuhos ng ulan sa Purok Otso, Barangay Recodo sa Zamboanga City kamakalawa ng madaling-araw. Sa phone interview, kinilala ni P/Chief Insp. Edilberto Alvarez, hepe ng Zamboanga City PNP ang biktima na si Sheenalyn Gregana ng Zone 4, Barangay Zambowood. Si Gregana ay nagtamo ng tama ng bala sa mukha na naglagos sa ulo nito. Nabatid na nakasilong sa waiting shed ang biktima matapos ang pagbuhos ng ulan nang lapitan at pagbabarilin ng di-kilalang gunman. Sinabi ng opisyal na may natanggap silang impormasyon na nagtutulak ng droga ang biktima habang narekober naman sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng cal. 38 revolver.
- Latest