Utak sa pagpatay sa piskal, tiklo
BATANGAS, Philippines – Naaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang sinasabing utak sa pagpatay kay Atty. Alexander Sandoval matapos inguso ng naarestong triggerman ilang oras matapos mapatay ang 40-anyos na fiscal.
Ayon kay P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batangas police director, nasa kustodiya na nila si Anna Marie Mendoza na mayoralty candidate sa bayan ng Sta Teresita pero di-nanalo noong May 13 mid-term election.
Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Juanita Areta ng Taal Regional Trial Court Branch 86, ni-raid ng CIDG ang bahay ng pamilya Mendoza sa Barangay Kalayaan.
Kabilang sa nasamsam sa bahay ng pamilya Mendoza ay dalawang cal. 45 pistol, M-16 rifle, 9mm pistol at cal. 22 rifle kung saan apat sa mga baril ang may lisensya at isa lamang ang walang dokumento.
Nilinaw naman ni Acio na ang pagkakaaresto kay Anna Marie Mendoza ay ang illegal possession of an unlicensed firearm at wala pang kinalaman sa kaso ng pagpatay kay Fiscal Sandoval.
Gayon pa man, inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mag-asawang Anna Marie at Gene Mendoza batay na rin sa salaysay ng triggerman na si Jayson Espejo Guerrero.
Si Guerrero ay nadakma sa bayan ng Taal ilang oras matapos ang pananambang kay Atty. Sandoval sa Barangay Muzon, San Luis noong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Acio, si Guerrero na tubong Laoag, Ilocos Norte ay ni-recruit ng tauhan ni Mendoza na si Richard “Tuking†Briones para itumba ni Sandoval sa halagang P50,000.
Pinag-aaralan ng pulisya kung maaring gawing state witness si Guerrero.
- Latest