Encounter: Sundalo, 2 NPA utas
MANILA, Philippines - Isang sundalo at dalawang rebelde ang kumpirmadong napatay habang isa pa ang nasugatan matapos na makasagupa ng mga sundalo ang grupo ng mga rebeldeng New People’s Army sa liblib na bahagi ng Sitio Bungabong, Barangay Milagrosa, bayan ng Sta. Catalina, Negros Oriental kamakalawa. Kinilala ang sundalong napatay na si Pfc Aris de Emoy habang isinugod naman sa pagamutan ang nasugatang si Pfc Anastacio Aloba. Samantala, ang dalawang rebelde na napatay ay tinangay ng mga kasamahang NPA na nagsitakas. Ayon kay Col. Francisco Patrimonio, commander ng Army’s 302nd Infantry Brigade, nakasagupa ng tropa ng 79th Infantry Battalion ang grupo ng mga rebelde. Narekober sa pinangyarihan ng encounter ang homemade airgun, 115 rounds ng bala ng 5.56mm M16A1, at 95 rounds ng bala ng 7.62mm, M14.
- Latest