Jailbreak: 13 pumuga
MANILA, Philippines - Umaabot sa 13 preso na may matitinding kasong kriminal ang nakapuga matapos tutukan ng baril ang dalawang guwardiya sa Sagay City Jail, Negros Occidental noong Miyerkules ng hapon.
Kasabay nito, isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang mga jail guard na sina Jover Valenzuela, Francis Vallador at iba pa sa nangyaring jailbreak.
Bandang alas-5:30 ng hapon noong Miyerkules nang tutukan ng bilanggong si Roland Bajo gamit ang naipuslit nitong cal. 38 revolver ang jailguard na si Valenzuela habang hinarass naman ng mga inmates ang kasamahan nitong si Vallador gamit ang mga improvised na patalim.
Kasunod nito ay pinaputukan ni Bajo ang lock ng main entrance ng piitan saka tumakas kasama ang 12 pang inmates ng Sagay City Jail.
Bukod kay Bajo, kinilala ang iba pang pugante na sina Gilbert Maneja, Marjon Bandala, Richard Dacaldacal, Armando Dilao, Jimmy Vistar, Jake Espanola, Restey Dacaldacal, Joelito Subtinente, Rey Villanueva, Joemar LeÂvester, Joenard Quirante, at si Eric Corder.
Nagpalabas na ng alarma si P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. sa lahat ng mga hepe ng pulisya sa Western Visayas at mga karatig lugar para mapabilis ang pag-aresto sa mga pumugang preso.
Ang Sagay City Jail ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Bureau of Jail Management and Penology.
- Latest