1 patay, 7 grabe sa road mishap
CAVITE, Philippines – Patay ang isang 20-anyos na lalaki habang pito pa ang nasugatan makaraang aksidenteng sumalpok na halos lumipad sa center island ng kalsada ang sinasakyan ng mga itong kotse sa kahabaan ng Aguinaldo highway, Brgy. Sampaloc II, Dasmariñas City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Supt. Ulysses Cruz, hepe ng pulisya sa lungsod na ito ang nasawing biktima na si Ivan Julius Marquez, residente ng Silang, Cavite.
Patuloy namang inoobserbahan sa pagamutan ang mga sugatang biktima na sina Jennifer Alcedo, 18; Vest Cezar Veneracion, 19; Tyron Valderama; Dean Clorina; driver na si Matthew Brandon Mecate, at isa pa na ‘di natukoy ang pangalan; pawang lulan ng Honda Civic at Felino Bautista, driver ng motorsiklo na nadamay sa insidente .
Sa imbestigasyon ni PO3 Bernard Espineli at PO2 Donato Almenario, bandang alas-12:45 ng madaling araw ng maganap ang sakuna sa nasabing lugar.
Kasalukuyang bumabagtas sa naturang highway ang Honda Civic (UMT 277) ni Mecate na masyadong mabilis ang takbo na nagbunsod sa sakuna. Ang kasong ito ay iniimbestigahan na.
- Latest






















