Bus hulog sa bangin: 5 todas, 20 sugatan
MANILA, Philippines - Humabol sa Undas ang lima-katao habang aabot naman sa 20 iba pa ang nasugatan makaraang hilahin ni kamatayan ang pampasaherong bus sa malalim na bangin noong Martes ng umaga sa Barangay Poblacion Kaputian, Island City of Samal sa Davao.
Sa phone interview, sinabi ni P/Senior Supt. Aaron Aquino, chief ng operations ng PNP regional office (PRO) 11, naganap ang trahedya dakong alas-11:20 ng umaga.
Kabilang sa mga namatay ay sina Simporiano Rubio, Mary Hazel Monion, Milagros Maghanap, Alfredo Baja, at si Marjun Senok habang isinugod naman sa Samal Emergency Hospital ang mga pasaherong nasugatan.
Sa imbestigasyon, sinabi ng opisyal na kasalukuyang bumabagtas sa Sitio 16 sa nasabing barangay ang pampasaherong bus na Island City Express (LWU 812) sakay ang 30 pasahero nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver.
Nabatid na nasiraan ng preno ang bus na patungo sana sa Kaputian District kung saan ay bumaliktad sa kaliwang bahagi ng matarik na highway hanggang sa tuluyang mahulog sa bangin.
Ayon sa opisyal, nasawi agad ang lima sa mga biktima na nagtamo ng grabeng pagkasugat sa katawan partikular na sa bahagi ng ulo.
- Latest