MANILA, Philippines - Sumingaw ang brutal na pagpatay ng anak sa kaniyang 66-anyos na ama na inilibing pa nito sa 20-metrong lalim na hukay sa likuran ng kanilang tahanan sa Isabela, Negros Occidental , ayon sa opisyal kahapon.
Ayon kay PNP Regional Director P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., inaresto ang suspek na si Lodgie Esgana, 27, matapos na positibong lumitaw sa imbestigasyon na ito ang pumatay sa kaniyang amang si Lolito Esgana.
Ang naagnas na bangkay ng biktima ay nahukay dakong alas-11 ng tanghali nitong nakalipas na mga araw sa likuran ng kanilang tahanan sa Barangay Mansablay, Isabela.
Kasabay nito, natuldukan ang misteryosong pagkawala ng matanda na nadiskubreng brutal na pinaslang saka inilibing ng sarili nitong anak na nahaharap sa kasong parricide.
Ang matandang Esgana ay iniulat na nawawala simula pa noong Agosto 23 kung saan nang tanungin ng kaniyang mga kapatid ang suspek ay sinabi nitong nagbakasyon lamang ang kanilang ama sa tinubuan nitong lupa sa North Cotabato.
Gayunman, nang mabatid sa kanilang mga kamag-anak na hindi nagtutungo ang matanda sa North Cotabato ay nagsimulang magduda ang mga kapatid ng suspek lalo na at umiiwas itong matanong sa kinaroroonan ng nawawalang matandang ama.
Naging palaisipan ang hukay sa likuran ng kanilang tahanan kaya hinukay at nadiskubreng nakalibing dito ang nawawalang matanda na naagnas na ang bangkay.
Sa imbestigasyon naman ng mga forensic expert ay lumitaw na pinaghahampas ng bato ang matanda at upang itago ang krimen ay inilibing ito.