2 patay, 3 sugatan sa pagsabog
MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang iniulat na nasawi habang tatlong iba pa ang nasugatan kabilang ang dalawang pulis sa naganap na magkahiwalay na pagsabog sa harapan ng hotel sa Cagayan de Oro City at bayan ng Imelda, Zamboanga, Sibugay, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ni Cagayan de Oro City PNP director P/Senior Supt.. Gerardo Rosales, niyanig ng pagsabog malapit sa Maxandrea hotel, Borja St., Cogon District sa Cagayan de Oro City kung saan nasawi ang dalawang kawani ng hotel na si Rudy Jote at isang tinukoy sa alyas Toto.
Kabilang sa mga nasugatan ay sina PO1 Dexter Cano at PO1 Rogelio Canilanza na kapwa nakatalaga sa Cagayan de Oro City PNP.
Lumilitaw na rumesponde ang mga operatiba ng pulisya matapos mabatid na may iniwang bag na kahina-hinala pero habang iniinspeksyon ang laman nito ay biglang sumambulat ang bomba na ikinasawi ng mga biktima at ikinasugat ng dalawang pulis.
Samantala, iniulat naman ni Col. Randolph Cabangbang ang pagkasugat ng 14-anyos na si Alfraffy Bano sa pagsabog naman sa complex sa Poblacion, Imelda, Zamboanga, Sibugay bandang alas-7:40 ng gabi kamakalawa.
Ang pagsabog ay naganap sa harapan ng M & M Alrahi Garment Shop na pag-aari ni Merpha Bano.
- Latest
- Trending