Van vs trak: Konsehal dedo, 7 grabe
BOHOL, Philippines – Matapos manumpa bilang miyembro ng Liberal Party sa Bohol, nasawi ang presidente ng Liga ng mga Barangay Federation na tumatayong konsehal makaraang sumalpok ang kanilang van sa cargo truck na nasiraan sa gitna ng highway ng Barangay Calanggaman sa bayan ng Ubay, Bohol noong Miyerkules.
Ito ang kinumpirmang ulat ni Mayor Tesalonica Boyboy sa Freeman na si ex-officio Councilor Ricardo Galo ng bayan ng Pres. Carlos P. Garcia ay namatay habang pitong iba pa kabilang si Vice Mayor Nestor Abad ay malubhang nasugatan.
Kabilang sa malubhang nasugatang nagpapagaling sa ilang ospital sa Tagbilaran City ay sina Ester Galo, misis ni Ricardo; PCG Councilor Boiser, Councilor Narciso Baculpo, Councilor Renato Zapanta, Councilor Cecilio Olvido, at ang bookkeeper na si Caridad Legaspi.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya, na ang mga biktima ay umarkila ng van para humabol sa bangka na magdadala pabalik sa kanilang bayan matapos ang oathtaking rites ng mga bagong miyembro ng Liberal Party (LP) sa Bohol na sinaksihan mismo ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon sa pulisya, hindi na naiwasan ng driver ng van na si Bartolome Mendoza ang nakaparadang cargo truck na may lulang coconut seedings sa highway kung saan wala pa itong early warning device (EWD) o kaya reflector sa tagiliran.
Kapwa naman mananagot ang driver ng van na si Mendoza at ang truck driver na si Ricardo Daboyan ng Cebu sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and multiple physical injuries.
- Latest
- Trending