Brodkaster itinumba, itinapon sa ilog
MANILA, Philippines - Nakagapos pa ang mga kamay at tadtad ng bala sa katawan ang nagsisimulang naagnas na bangkay ng radio announcer na sinasabing may isang linggo ng nawawala matapos itong matagpuang lumulutang sa ilog sa Kabuntalan, Maguindanao kamakalawa.
Ayon kay Col. Prudencio Asto, hepe ng Public Affairs Office ng Army’s 6th Infantry Division ay natuldukan na ang misteryosong pagkawala ng biktimang si Eddie Jesus Apostol ng dxND Kidapawan City na may programang Konseho sa Kahanginan (Council on the air).
Nabatid na noong pang Lunes ng Agosto 27 ay iniulat ng kaniyang pamilya na nawawala ang biktima matapos na hindi makauwi dahil sa sinasabing dinukot ng mga armadong kalalakihan
Bandang alas-8:05 ng umaga nang marekober ng mga sundalo ng 12th Special Forces Company ng Philippine Army at ng lokal na pulisya ang bangkay ng biktima na lumulutang sa Tamontaka River.
Positibo namang kinilala ng kanyang pamilya ang biktima na nakasuot ng asul na polo shirt at maong na pantalon matapos itong iahon sa tubig ng search and retrieval team ng militar at pulisya habang patuloy naman ang imbestigasyon.
Huling namataang buhay ang biktima na kasama ang isang ’di-kilalang lalaki sa treasure-hunting site malapit sa hangganan ng bayan ng Pikit, North Cotabato at Datu Piang.
Samantala, kinondena naman ng National Union of Jounalists of the (NUJP) sa pangunguna ni Sec. Gen. Rowena Paraan ang panibagong pagpatay sa isang mamamahayag. Dagdag ulat ni Doris France-Borja
- Latest
- Trending