3 sugatan sa pamamaril ng sekyu
MANILA, Philippines - Tatlo-katao ang iniulat na nasugatan makaraang mamaril ang security guard na nairita sa harapan ng simbahan sa Butuan City, Agusan del Norte kamakalawa.
Kinilala ang mga nasugatang biktima na sina Nelson Palana, 26; Nelson Basco, 21; at si Princess Dias, 13, pawang naisugod sa ospital.
Arestado naman ang suspek na si Rodolfo Lausa Jr., 24, ng Brgy. Datu Silongan sa nasabing lungsod at mula sa Sapphire Security Agency.
Sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa harapan ng St. Joseph Cathedral na binabantayan mismo ng nasabing sekyu sa Brgy. Urduja, Butuan City.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang nagroronda sa cathedral ang suspek nang dumating si Palana at komprontahin ang suspek sa hindi pa malamang dahilan kung saan nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa.
Ilang saglit pa ay bigla na lamang namaril ang suspek at tinamaan sa kanang hita at kanang siko si Palana habang nadamay naman ang dalawang sibilyan.
Nasakote naman ng mga nagrespondeng awtoridad ang suspek kung saan dinisarmahan.
- Latest
- Trending