2 NPA dakma sa encounter
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - Dalawang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army ang naaresto matapos makasagupa ang tropa ng militar at pulisya sa Barangay Abad Santos sa bayan ng Bulan, Sorsogon kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Lt. Col Teody Toribio, commanding officer ng Army’s 31st Infantry Battalion ang mga nasakoteng rebelde na sina Florence “Audrey” Galos at Alex “Monique” Gerandio, 24, kapwa nakatira sa Barangay Macawayan sa bayan ng Irosin, Sorsogon.
Nasamsam kay Galos ang cal. 9mm pistol at isa namang M16 rifle mula kay Gerandio gayundin ang mga subersibong dokumento na may high intelligence value sa NPA movement.
Lumilitaw na bandang alas-10 ng umaga nang makasagupa ng tropa ng militar ang may 15 rebelde matapos matisod ang pinagkukutaan ng mga ito sa Barangay San Juan Daan.
Tumagal ng may 20-minuto ang sagupaan bago nagsitakas ang mga rebelde habang wala namang nasugatan sa tropa ng militar at pulisya.
Nasakote naman ang dalawa sa mga nagsitakas na rebelde matapos makorner sa kanugnog na lugar ng Barangay Abad Santos kung saan sumasailalim sa tactical interrogation.
- Latest
- Trending