8 katao nalunod

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines – Walong katao kabilang ang isang anim na buwang gulang na sanggol ang pinakahuling naitalang namatay bunsod ng pagkalunod sa tubig baha na naganap sa iba’t ibang bayan dito kahapon habang dalawa pang lalaki na tinangay ng malakas na agos ang pinaghahanap .

Kinilala ang pinakabagong mga nasawi na sina Exier Kylle Langres, ang sanggol ng Brgy. Look 1st sa Malolos City, Danilo Lopez ng Guiguinto, Angelita Quinto 60, ng Balagtas, Roy Cailan, 47, ng Obando, Erjan Roque 15, Jomar Laluan 20, kapwa ng San Ildefonso, Jomar Balaraw, 21 ng San Rafael at isang 5 anyos na batang babae na wala pang pagkakakilanlan.

Ayon sa ulat ni Liz Muncal ng Provincial Disaster and Risk Reduction Management Office sanhi ng malalakas na pagbuhos ng ulan na nagdulot ng malawakang pagbaha sa lalawigan dulot ng hanging habagat.

 Pinaghahanap naman sina Joven Pineda 15 at kaibigan nitong si Raymart Cajite; kapwa estudyante at pawang mga residente ng Brgy. Bagong Silang Caloocan City na huling namataan na nahulog sa ilog ng Brgy.Gaya-Gaya, San Jose del Monte City habang nangunguha ng mga kalakal sa naturang ilog 

Samantala umaabot na sa 187 barangay na sumasakop sa 20 bayan at tatlong siyudad dito ang naapektuhan na ng pagtaas ng tubig baha bunsod ng patuloy na pag-ulan kabilang ang high tide at pagpapakawala ng tubig sa Ipo dam sa bayan ng Norzagaray na naging dahilan upang ideklarang nasa state of calamity ang buong lalawigan.

Show comments