Alkalde, 6 pa huli sa illegal possession of firearms
MANILA, Philippines - Inaresto ng mga operatiba ng pulisya ang isang alkalde ng Davao del Sur at anim na iba pa matapos mahulihan ng mga baril na walang lisensya sa operasyon sa bayan ng Jose Abad Santos ng lalawigan kamakalawa.
Kinilala ni Chief Supt. Charles Calima Jr., Director ng PNP-Intelligence Group ang inarestong lokal na opisyal na si Jose Abad Santos Mayor James Joyce residente ng bayang ito.
Arestado rin sa operasyon sina Ronnie Pandamon, Arnel Dionesio, Victoriano Venancio, Hernan Miguel, Floro Arquillano at Boroy Tilo; pawang mga Private Armed Groups (PAGs) umano ng alkalde.
Sinabi ni Calima, nitong Huwebes ng umaga ay sinalakay ng mga elemento ng PNP –Intelligence Group, Special Action Force (SAF) at ng lokal na pulisya sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte sa bahay ni Pandamanon sa Sitio Talisay, Cabuaran Small ng bayang ito.
Ang operasyon ay alinsunod sa determinadong paglalansag ng PNP sa mga PAGs ng mga pulitiko upang matiyak na magiging mapayapa ang 2013 mid term elections.
Nasamsam sa pag-iingat ng mga ito ang apat na M16 rifle, dalawang cal 5.56 Bushmaster rifles, isang AK 47 assault rifle, isang cal 5.56 Tayor assault rifle, isang Ingram machine pistol , isang cal 9 MM Taurus pistol, isang rifle grenade at sari-saring mga bala.
- Latest
- Trending