P7 milyong droga nakumpiska sa Bicol region
Sa 1-linggong operasyon
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Pinuri ni Police Regional Office 5 director Brig. Gen. Andre Perez Dizon ang lahat ng mga tauhan matapos makakumpiska ng mahigit P7-milyong halaga ng droga sa isinagawang isang linggong anti-illegal drugs operation sa rehiyon sa gitna ng mga kasayahan ng nagdaang Pasko.
Sa inilabas na ulat ng Camp Gen. Simeon Ola kamakalawa, simula Disyembre 23 hanggang 29, pitong malalaking anti-illegal drug operation ang inilunsad sa iba’t ibang bahagi ng Kabikolan dahilan para maaresto ang anim na mga drug personality.
Nakumpiska mula sa suspek ang mahigit isang kilong shabu at 3-gramo ng marijuana na nagkakahalaga lahat ng P7,317,160.
Ayon kay Dizon, malaking bahagi ng patuloy na tagumpay ng operasyon nila laban sa droga ay ang sumbong mismo mula sa mga mamamayan kaya naman sinusuklian nila ng walang humpay na trabaho upang maging ligtas ang pamayanan lalo na ngayong holiday season lalo na ang pagsalubong ng Bagong Taon.
- Latest