Sayyaf bagman tiklo
MANILA, Philippines - Naaresto ng pinagsanib na elemento ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at ng tropa ng militar ang isang itinuturing na bagman ng mga ektremistang Abu Sayyaf Group sa engkuwentro sa lalawigan ng Tawi-Tawi kamakalawa. Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., ang nasakoteng suspek na si Ustadz Ahmadsali Asmad Badron, gumagamit ng mga alyas na Ammad, Hamad at Ustadz Idris. Ayon kay Pagdilao, ang suspek ay nasakote ng pulisya at militar sa Brgy. Lamion, Bongao, Tawi –Tawi dakong alas-8:50 ng umaga. Sinabi ni Pagdilao na si Badron, ay may nakabimbing warrant of arrest sa anim na counts ng kidnapping with serious illegal detention. Nabatid na ang suspek ay pinsan ng nasawing si dating Abu Sayyaf Commander Nadzme Sabtula alyas Commander Global. Sa tala, ang suspek ay sangkot sa pagdukot ng may 21 katao na karamihan ay mga turistang European sa Sipadan, Malaysia noong 2000 na ang mga bihag ay itinago sa Sulu.
- Latest
- Trending