Manila, Philippines - Lima pang hepe ng pulisya sa Kabikulan at Pangasinan ang sinibak sa puwesto matapos masampulan ng one strike policy versus jueteng na nabigong masugpo ang illegal number game sa kanilang nasasakupan.
Kabilang sa mga sinibak sa puwesto ay sina P/Senior Inspector Timothy Arciso Jr. ng bayan ng Sta. Elena; P/Supt Allan Ramos ng Daet na kapwa nasa Camarines Norte; P/Senior Inspector Dominick Poblete ng Mapandan, Pangasinan; P/Chief Inspector Erwin Doman ng Castilla, Sorsogon; at si P/Senior Inspector Joselito Gapan ng Juban, Sorsogon.
Ang mga ito ay sinibak alinsunod sa direktiba ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robrero na mahigpit na pinatututukan ang kampanya laban sa illegal number game.
Una nang ipinag-utos ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang pagpapatupad ng one strike policy campaign sa mga hepe ng pulisya laban sa jueteng sa kanilang hurisdiksyon.