MANILA, Philippines - Napaslang ang tatlong miyembro ng tribo matapos ratratin ng kanilang mga kasamahan dahil sa mainitang pagtatalo sa problemang pinansyal sa Barangay Castillo sa bayan ng San Miguel, Surigao del Sur kamakalawa.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Eddie Medrano, Benjie Acebedo at si Fortunato Martinez habang pinaghahanap naman ng pulisya ang mga suspek sa pamumuno ni Datu Jasmen “Sano” Acebedo at 14 pang kasamahan sa tribo.
Naganap ang insidente sa safehouse ng grupo sa nasabing lugar bandang alas-8:30 ng umaga.
Lumilitaw na namamahinga sa kanilang tahanan ang mga biktima nang biglang dumating ang nagngingitngit na grupo ni Datu Sano.
Dito na kinompronta ang mga biktima hinggil sa kanilang perang allowance mula sa Makilala Rubber Company na nago-operate sa nasabing lugar.
Sa puntong ito ay agad nagbunot ng baril ang mga suspek at niratrat ang mga biktima habang mabilis namang nagsitakas ang mga suspek.