Convoy ng militar pinasabugan

MANILA, Philippines – Nakaligtas ang tropa ng mga sundalo na lulan ng apat na military vehicle matapos ang serye ng pagsabog ng landmine na itinanim ng mga rebeldeng New People’s Army sa highway ng Mawab, Compostela Valley kahapon ng umaga.

 Ayon kay Army’s 10th Infantry Division spokesman Lt. Col. Lyndon Paniza, dakong alas-5:30 ng umaga habang bumabagtas ang convoy ng tropa ng Army’s 71st Infantry Battalion ni Lt. Col Jerry Borja sa highway ng Barangay Nuevo Visayas ng maganap ang pagsabog.

Wala namang nasugatan sa nasabing pagsabog kung saan nagawa pang makipagpalitan ng putok ng mga sundalo laban sa grupo ng mga rebelde na nakaposisyon sa madamong bahagi ng highway.

Tumagal ang palitan ng putok ng ilang minuto bago nagsitakas ang mga rebelde bitbit ang mga sugatan sa kanilang panig.

Ayon sa ilang asset ng military, may ilang rebelde na nagsibaba sa kabundukan ang namataan nilang nag­huhukay sa highway at tila may kung anong bagay na inilalagay dito.

Show comments