CEBU, Philippines – Kinasuhan na ang 10-katao kabilang ang dalawang naunang nadakma kaugnay sa pagpatay sa anak ni Carcar City Mayor Nicepuro Apura noong nakalipas na linggo.
Isinakdal ni Carcar City Prosecutor Richard Abangan, Sr. ang sinasabing gunman na si Jaybhoy Lauron at ang kasamang si Jethro Lapina sa pagpatay sa kay Carl Vinson Apura.
Sina Jaybhoy and Jethro ay naaresto sa inilatag na follow-up operation ng pulisya.
Kabilang din sa mga kinasuhan base sa dalawang testigo ay sina Jewish LapiÒa, Glenn “Impiong” Cinco, James Ali Castanares, Jay Castanares, Zig Abarquez, Demosthenes “Dugo” Abarquez, Rizal “Izal” Cayme at isang alyas Jetto.
Ang walong suspek na kasalukuyang nakalalaya ay nakatakdang arestuhin kapag nagpalabas ng warrant of arrest ang korte kaugnay sa kasong isasampa at walang piyansang inirekomenda.
Samantala, hindi naman na-establish ng pulisya ang motibo sa pamamaslang sa batang Apura sa Sitio Upper Tubod, Barangay Valladolid noong Linggo ( May 13), subalit positibo naman kinilala ng dalawang testigo ang 10 suspek.
Ayon sa pulisya, isa sa mga saksi ay si Chris Lastima na sinasabing inarkila ang kanyang motorsiklo ng isa sa mga suspek na magtungo sa disco party kung saan napaslang ang batang Apura. Freeman News Service