Trainer plane ng PAF bumagsak, 2 piloto nawawala
MANILA, Philippines - Dalawang piloto ang nawawala matapos na aksidenteng bumagsak ang Aermacchi SF 260 trainer plane ng Philippine Air Force (PAF) sa bahagi ng Lamonja Island sa pagitan ng Mariveles, Bataan at Cavite, ayon sa mga opisyal kahapon.
Ayon kay PAF Spokesman Lt. Col. Miguel Ernesto Okol Jr., bandang alas-6 ng umaga ng magtake-off sa Sangley Point, Cavite ang nasabing trainer aircraft ng PAF na may body number 716.
Sinabi ni Okol na nasa routine training flight ang nasabing aircraft ng mangyari ang sakuna dakong alas-7 ng umaga kung saan wala umanong distress call mula sa dalawang piloto nito.
Ayon sa source, ang naturang mga piloto ay nakilalang sina Major Niel Tumaneng at 1st Lt. Michael Arugay.
Sinabi naman ni Bataan Provincial Police Office (PPO) Chief Sr. Supt. Ricardo Zapata Jr. bandang alas-7:15 ng umaga ng matagpuan ng mga nagrespondeng elemento ng Philippine Coast Guard ang nagkapira-pirasong bahagi ng trainer plane sa bahagi ng Lamonja Island.
Narekober sa dagat ang fuel tank, isang helmet at isang plane set pero wala ang dalawang piloto sa crash site na nasa layong 5 kilometro sa Corregidor Island.
Nagpapatuloy ang search and rescue operation sa dalawang piloto ng trainer aircraft.
- Latest
- Trending