Gasolinahan sa Naic hinoldap ng 4 armado, 2 arestado
CAVITE, Philippines — Hinoldap ng apat na armadong kalalakihan na riding-in-tandem ang isang gasolinahan sa Brgy Sabang, Naic, dito at natangay ang perang kinita at mga celphone ng staff, kahapon ng madaling araw
Dahil naman sa maagap na paresponde ng mga pulis, dalawa sa apat na suspek sa isinagawang follow-up operation ang naaresto at nabawi sa kanila ang isang cellphone na kanilang tinangay sa isang staff ng gasolinahan habang hindi na nabawi pa ang mga pera at iba pang ninakaw ng mga suspek.
Kinilala lang ang mga nadakip na suspek sa mga alyas na “Corpu”, residente ng Brgy. Ibayo Silangan, Naic at “Ramirez”, 18-anyos, residente ng Brgy. Makina Naic; pawang sa Cavite.
Tinutugis naman ang mga tumakas na sina alyas “De Leon” at alyas “Jule”, pawang ng Brgy. Mabulo, Naic .
Sa ulat ng pulisya, ala-1 ng madaling araw nang maganap ang panghoholdap sa Uno Fuel Gasoline Station. Magkasabay umanong dumating ang apat na suspek sakay ng dalawang motorsiklo na inakalang magpapakarga lang sila ng gas.
Gayunman, agad na tinutukan ng baril ng mga suspek ang pump attendant at cashier saka kinulimbat ang perang kinita ng araw na iyon at maging ang cellphone ng nasabing staff.
Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang itim na Mio motorcycle na kapwa walang plaka.
Sa follow-up operation, naaresto ang dalawa sa apat na suspek at nakuhanan ng 1 Improvised handgun na cal. 22 at ang motorsiklo na gamit na Skygo150.
- Latest