QUEZON, Philippines - Sa halip na mag-enjoy sa pamamasyal sa pamosong pahiyas, nadismaya ang dalawang dayuhang turista makaraang madale ng mandurukot habang naglalakad sa Quezon Avenue sa bayan ng Lucban, Quezon, kamakalawa ng tanghali.
Unang naging biktima ng mga mandurukot ay si David Roy, 52, Canadian, at pansamantalang naninirahan sa Las Piñas City kung saan natangay sa kanya ang pitaka na may P19,000 cash, ilang ATM at credit cards at ibang dokumento.
Sumunod si Anne Guete Pedersen, 42, Norwegian na nilaslas naman ang shoulder bag kung saan nalimas ang kanyang pitaka na may P5,000 cash, US$150, ATM at credit cards at iba pang mga mahahalagang dokumento.
Ayon kay SPO1 Erwin Bebida, sinamantala ng mga mandurukot na naglipana sa nasabing lugar ang kaabalahan ng mga biktima sa panonood ng pahiyas.