TUGEGARAO CITY, Philippines - Nabahiran ng trahedya ang isang kasalan makaraang masugatan ang 17 katao na dadalo sa okasyon nang aksidenteng bumaligtad ang sinasakyan ng mga itong truck sa national highway ng Brgy. Madayegdeg, San Fernando City, La Union kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 1 Spokesman Supt. Raul Romero, bandang ala-1:10 ng hapon ng maganap ang sakuna sa nabanggit na lugar.
Kasalukuyang lulan ng Izusu Elf truck (PDV 748) na minamaneho ni Crispin Bao-in ng La Trinidad ang nasa 34 katao na dadalo sana sa kasalan sa San Gabriel, La Union nang aksidenteng pumutok ang unahang gulong ng behikulo.
Bunga nito ay nagpagiwang-giwang sa kalye ang truck hanggang sa tuluyang sumadsad sa tabi ng highway at bumaligtad na ikinasugat ng 17 sa mga sakay nito.
Idineklara namang nasa ligtas ng kalagayan sa Ilocos Training and Regional Medical Center ang mga biktima na patuloy na nilalapatan ng lunas.