NUEVA ECIJA, Philippines – Napaslang ang mag-asawang negosyante at kanilang anak na babae makaraang pagbabarilin ng mga ‘di-kilalang kalalakihan na nagpanggap na mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Barangay Mayamot sa bayan ng Zaragoza, Nueva Ecija kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Roberto Aliggayu, Nueva Ecija PNP director, ang mga biktima na sina Fernandito De Guzman Sr., 55; Rosalinda Ortiz De Guzman, 52; at ang kanilang anak na si Norie Dela Cruz y De Guzman, 24, may-asawa, pawang mga nakatira sa Barangay Panabingan sa bayan ng San Antonio, Nueva Ecija.
Ayon sa police report, bandang alas-6 ng umaga nang dumating sa bahay ng mga biktima ang mga armadong kalalakihang lulan ng Besta van at nagpakilalang mga tauhan ng NBI.
Sinasabing may standing warrant of arrest ang mag-asawa sa kasong estafa kaya inimbitang sumama kung saan sumama naman ang anak na babae.Pagsapit sa bahagi ng Barangay Mayamot ay pinagbabaril ang mag-asawa at anak bago inabandona.
Pinaniniwalaang may kinalaman ang pamamaslang sa pagiging katiwala ng mag-asawa sa may 33 hektaryang lupain.