P5-M paaralan tinupok ng apoy
TAGKAWAYAN, Quezon ,Philippines — Umaabot sa P5 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy magtapos masunog ang academy school sa Barangay Poblacion sa bayan ng Tagkawayan, Quezon, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni P/Chief Inspector William Angway, bandang alas-4:35 ng madaling araw ng masunog ang Our Lady of Lourdes Academy School kung saan nagsimula ang apoy sa administration building at kumalat sa tatlong klasrum nito.
Bagamat wala namang naiulat na nasaktan, halos natagalang rumesponde ang mga bombero kaya tumulong na rin ang ilang residente.
Mabilis naman kinordon ng pulisya ang nasusunog na eskuwelahan upang maiwasan ang nakawan at anumang disgrasya.
Ganap naman alas-6 ng umaga nang ideklarang fire-out kung saan ilang computer unit at mahahalagang kagamitan sa loob ng gusali ang naabo sa loob ng dalawang oras na sunog.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na nag-init na kable ng kuryente ang pinaniniwalaang pinagmulan ng apoy.
Pinaalalahanan naman ni P/Senior Supt. Valeriano De Leon ang publiko na maging maingat lalo na ngayong tag-init sapagkat maaring maging sanhi ng sunog ang mga kasangkapang de-kuryente at kung maari ay sumunod sa mga safety tips na ibinibigay ng ilang ahensya ng pamahalaan.
- Latest
- Trending