14-anyos dedo sa frat hazing
TUGUEGARAO CITY, Philippines - Sinisiyasat ngayon ng pulisya ang pagkamatay ng 14-anyos na estudyanteng hayskul matapos mapaulat na nalunod habang nasa kasagsagan ng hazing ng fraternity sa Barangay Camasi, Peñablanca, Cagayan noong Linggo.
Naunang nabatid ng pulisya na nalunod ang biktimang si Jaylord dela Cuesta sa Pinacanauan River matapos sumama sa mga kaibigang nagpipiknik.
Subalit lumabas sa pagsisiyasat ni PO2 Melvin Labbang, lumilitaw sa mga testimonyang nakalap ng ilang testigo na kasama ang biktima sa may 20 kabataang mag-aaral sa Camasi National High School at mga out-of-school youth na sumailalim sa initiation rites ng hindi tinukoy na fraternity.
Napag-alaman na ang kalalakihan na miyembro ng fraternity ay nanghihimok ng mga menor-de-edad na estudyante na sumapi.
Lumilitaw din sa imbestigasyon ng pulisya na ang mga neophytes o bagong miyembro ng fraternity ay nilasing muna bago pinalangoy sa malakas na agos ng ilog kaya nalunod ang biktima.
- Latest
- Trending


















