Haponesa kinatay ni mister

MANILA, Philippines - Dahil sa paninita sa pag­lalasing, pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang 32-anyos na Haponesa ng kaniyang mister sa  loob ng kanilang tahanan sa Barangay Basak, Lapu-Lapu City, Cebu kahapon ng madaling araw. 

Kinilala ang nasawing biktima na si Kotoka Kajii Denila, tubong Tokyo, Japan at naninirahan sa Block 5, Lot 24, Dominique Subdivision sa Brgy. Basak.

Arestado naman ng mga operatiba ng pulisya ang suspek na si Dexter Louie Denila, 25, na isinuplong ng houseboy ng mag-asawa na si Jupel Baldosano, 18.

Ayon kay PO2 Luisito Ernie, imbestigador sa kaso, naganap ang insidente dakong alas- 2:45 ng madaling araw matapos na umuwing lango sa alak ang suspek kung saan na ka­galitan ng kaniyang misis.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa na nauwi sa pananaksak ng suspek sa kanyang misis.

Sinabi ni Ernie, na ang siyam na buwang sanggol na anak ng mag-asawa ay pansamantalang ikinostudya muna ng kapatid ng suspek.

Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Embahada ng Japan para maiuwi ang bangkay ng biktima sa sarili nitong bansa.

Show comments