Masbate nilindol: 8 katao sugatan
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - Walo-katao ang iniulat na nasugatan dahil sa pagguho ng tatlong palapag na gusali at nagkabitak-bitak naman ang pader ng sampung iba pang gusali matapos yanigin ng malakas na lindol ang Masbate City kahapon ng umaga.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, kabilang sa mga sugatang naisugod sa provincial hospital sina Cesar Canapal, 31; Jinky Asares, 16; Leonard Dimitilla, 3; Jiho Emilio Antonio, 2; Rex Davida, 8 ; Christine Dicos, 17; at ang dalawa pa na hindi nabatid ang pagkakakilanlan.
Naganap ang pagyanig dakong alas-7:06 ng umaga na may intensity 6 at sinasabing nagmula sa tatlong kilometro lalim sa Masbate City.
Naramdaman din ang intensity 4 ng lindol sa mga bayan ng Irosin, Cabidan at sa Sorsogon City habang intensity 3 naman sa mga bayan ng Sigma, Capiz; Catarman at Capul Island sa Northern Samar.
Maging sa Legazpi City at Iloilo ay niyanig ng intensity 2 habang nasa intensity 1 naman ang kalibo at Numancia sa Aklan.
Nagkabasag-basag naman ang salamin sa gusali ng isang food chain at ang kilalang pawnshop sa Masbate City na pansamantalang ipinasara habang gumuho naman ang tatlong palapag na gusali sa Barangay Bapor.
Samantala, limang aftershock naman ang naramdaman at inaasahang mararanasan pa ito sa mga susunod na araw kaya inalerto ang mga residente.
Pansamantala naman sinuspinde ni Mayor Socrates Tuason ang klase sa mga eskuwelahan sa Masbate City.
- Latest
- Trending