MANILA, Philippines - Isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang nasibak na hepe ng PNP-Highway Patrol Group Region12 at isa pang opisyal matapos na mahuling ginagamit ang mga nakumpiskang nakaw na sasakyan sa personal nilang lakad partikular na sa General Santos City at Sarangani.
Nahaharap sa paglabag sa Anti-Fencing Law sina P/Senior Supt. Jaime Macarilay at HPG central office 12 deputy director P/Chief Inspector Romeo Mon.
Ipinalit si P/Senior Supt. Romeo Camponanes kung saan si Macarilay ay kasalukuyang restricted to custody sa PNP-HPG sa Camp Crame habang isinasailalim sa imbestigasyon.
Ang dalawa ay sinibak sa puwesto ni PNP-HPG Director P/Chief Supt. Leonardo Espina matapos na makarating sa kaniyang kaalaman na ginagamit sa kanilang mga personal na lakad ang ilan sa 26 hot cars na nasamsam sa serye ng operasyon sa Central Mindanao at Visayas noong huling bahagi ng Pebrero 2012.
Nabatid na isa sa mga nagpatunay ng paggamit ni Macarilay sa mamahaling hot car ay si Sarangani Gov. Miguel Dominguez na nakakita sa opisyal na nagmamaneho ng nakaw na sasakyan noong nakalipas na buwan.
Ang pagsibak sa puwesto ng dalawang opisyal ay inindorso mismo ng PNP- HPG Human Resources and Development Director P/ Senior Supt. Fortunato Gutierrez.
Ang mga nakaw na sasakyan mula sa notoryus na Baktin carnapping syndicate sa Metro Manila ay ibinibiyahe sa Mindanao saka ipinagbibili matapos baguhin ang porma at dokumento.