MANILA, Philippines - Napatay ang isang lalaki na sinasabing drug pusher habang arestado naman ang kasamahan nito matapos na makipagbarilan sa arresting team ng pulisya sa Davao City kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Roland de la Rosa, director ng Davao City PNP ang napaslang na si Umpar Macaric ng Purok 4, Isla Verde.
Arestado naman sa operasyon ang kasamahan nitong si Allan Germon matapos na makorner habang papatakas.
Bandang alas-6 ng umaga nang rumesponde ang mga operatiba ng Davao City PNP sa pamumuno ni P/Senior Inspector Ronald Lao kaugnay sa naganap na holdapan sa Miniforest Quezon Boulevard pero nakatakas ang mga holdaper.
Gayon pa man naglakad pabalik ng presinto ang mga operatiba ng pulisya nang maispatan ang dalawang suspek na nag-uusap habang hawak ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng shabu kaya nilapitan upang sitahin at arestuhin.
Nasakote si Germon pero nagtatakbo naman si Macaric kaya hinabol ng pulisya na nauwi sa shootout.
Narekober naman ng mga awtoridad sa crime scene ang dalawang plastic sachet ng shabu at cal. 22 revolver na may mga bala.