2 European national kinidnap
MANILA, Philippines - Dalawang European national ang iniulat na kinidnap ng mga armadong kalalakihan sa bisinidad ng Sitio Luuk-Luuk, Barangay Panglima Sugala, Tawi-Tawi kahapon.
Kinilala ni Army’s regional spokesman Col. Randolph Cabangbang ang mga biktima na sina Ewol Horn ng Holland at Lorenzo Vinzigueere, Swiss national.
Ang dalawa na nagtungo sa nasabing lugar kasama ang tour guide na si Nestor Cabaluas ay hinarang at dinukot ng grupo na armadong kalalakihan bandang alauna ng hapon.
Walang nagawa ang dalawang dayuhan matapos na kaladkarin at dalhin sa tabing dagat kung saan puwersahan isinakay sa pumpboat patungo sa direksyon ng Barangay Lambog.
Nagawang makatakas ni Cabaluas matapos na mapansin nito na tanging na mga dayuhan lamang interesado ang mga kidnaper kung saan nagtatakbo ito palayo at agad na ini-report ang insidente sa mga awtoridad.
Minobilisa na ang PNP, Phil Navy Task Force 62 at Philippine Marines para magsagawa ng search and rescue operation sa dalawang dayuhan.
Sinisilip ng mga awtoridad kung may kinalaman ang mga bandidong Abu Sayyaf Group sa pagdukot sa dalawang dayuhan dahil ang nasabing lugar ay balwarte ng mga ito.
- Latest
- Trending