11 tiklo sa pamemeke ng lagda ng gobernador
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng 11-katao na sinasabing namemeke ng lagda ng gobernador matapos madakma ng mga operatiba ng pulisya sa Isabela, ayon sa ulat kahapon.
Sumasailalim na sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Bobby Turmis, lider ng grupo; Francisco Basilio, Fidel Barnacha, Julius Arconeda, Carlos Lopez, Peter Manuel, Erwin Mangada, Jonathan Taguiam, Angelito Dapon, Febie Inamhan, at si Janet Barnacha.
Ayon kay P/Chief Supt. Rodrigo de Gracia, Cagayan Valley police regional director, nabuking ang modus operandi ng grupo matapos madiskubre ang solicitation letter na may pekeng lagda ni Isabela Governor Faustino “Bojie” Dy III na nakumpiska sa suspek na si Manuel.
Napag-alaman na ang mga suspek ay miyembro ng Pag-asa ng Buhay Association, Inc. na naglilibot sa buong Isabela upang makapagbiktima sa pamamagitan ng solicitation letter na may pekeng lagda ni Governor Dy.
Nakatakda naman kasuhan ang mga suspek habang nakapiit sa himpilan ng pulisya.
- Latest
- Trending