3 dinukot dahil sa droga

CAVITE ,Philippines  – Tatlong kabataan na sinasabing dinukot dahil sa bawal na droga ang nailigtas ng pulisya sa kamay ng mga kidnaper sa Barangay Datu Esmael sa Dasmariñas City, Cavite kamakalawa ng gabi.

Ayon kay P/Senior Supt. John Bulalacao, kinilala ang mga biktimang nailigtas na si April Love Bajados, 20; at ang dalawang menor-de-edad na 15 at 17-anyos na pawang nakatira sa Barangay Sampaloc 4 sa nasabing lungsod.

Nadakip naman ng pulisya ang isa sa tatlong suspek na si Mohaimen Arcano habang tinutugis naman sina Basher Sarip at Panantaon “Antao” Sarip. 

Sa imbestigasyon ni PO1 Connie Susmerano, lumilitaw na dinukot ang mga biktima matapos na hindi makabayad ang ina ng isa sa tatlong kabataan sa pagkakautang na P80,000 halaga ng shabu sa mga suspek noong Enero 4.

 Natunugan naman ng pulisya ang nabanggit na isyu kaya inilatag ang operasyon laban sa mga suspek.

Show comments