Selos: 2 misis kinatay
MANILA, Philippines - Hindi na pinasalubong sa Bagong Taon ang dalawang misis na sinasabing selosa makaraang pagtatagain ng kani-kanilang mister kamakalawa ng gabi sa magkahiwalay na karahasang naganap sa Capiz at Sorsogon.
Sa ulat ni Capiz PNP director P/Senior Supt. Domingo Cabillan, idineklarang patay sa Mambusao District Hospital si Lenie Amenamen, 28, habang nasakote naman ang mister na si Ronel Amenamen, 30, fish vendor, kapwa nakatira sa Barangay Libuon sa nabanggit na bayan.
Nabatid na nagtalo ang mag-asawa kung saan sunud-sunod na tinalakan ng misis ang kanyang mister dahil sa paratang na may iba itong kinahuhumalingang babae.
Sa gitna ng pagtatalo ay kumuha ng itak ang misis at tinaga sa tiyan ang kaniyang mister subalit naagaw naman ng lalaki ang itak kung saan sa tindi ng galit ay pinagtataga ang kaniyang misis.
Ang krimen na nasaksihan ng dalawang anak ng mag-asawa sa loob ng kanilang tahanan sa nasabing barangay dakong alas-7 ng gabi.
Natunton naman ng pulisya ang suspek na nagpapagamot sa Roxas City District Hospital.
Samantala, napaslang din ang misis na si Josephine Ferreras, 44, matapos pagtatagain ng kanyang mister na si Ronnie Ferreras, 46, kapwa nakatira sa Barangay Patag sa bayan ng Gubat, Sorsogon.
Sinasabing lango sa alak ang suspek nang komprontahin ang kanyang misis dahil sa matinding selos.
- Latest
- Trending



















