MANILA, Philippines - Umalingawngaw ang malakas na pagsabog sa bisinidad ng isang unibersidad sa bayan ng Kabacan, Cotabato kamakalawa ng umaga.
Bandang alas-10:23 ng umaga nang sumabog ang bomba sa motor pool ng University of Southern Mindanao (USM) na lumikha ng hukay sa sementadong flooring ng paradahan kung saan nawasak ang isang Pajero
Wala namang iniulat na nasugatan sa insidente dahil nakabakasyon ang mga kawani, guro at mga estudyante sa nasabing unibersidad.
Sa inisyal na imbestigasyon, gumamit ang dalawang di-kilalang kalalakihan ng M79 rifle grenade kung saan mabilis na tumakas matapos maitanim ang bomba.
Noong Biyernes ng gabi (Disyembre 23) ay sumabog ang itinanim na improvised explosive device (IED) sa panulukan ng Malvar Street at Aglipay Street sa bayan ng Kabacan kung saan lima-katao ang nasugatan.
Pinaniniwalaan namang kagagawan ng Bangsa Islamic Freedom Movement ang pambobomba sa dalawang nabanggit na lugar.