Mag-asawa, 2 pa minasaker sa inuman
TUGUEGARAO CITY, Philippines – Regalong kamatayan ang isinalubong sa apat-katao kabilang ang mag-asawa makaraang pagtatagain ng kanilang kapitbahay na magsasaka na sinasabing sinaniban ng masamang espiritu sa Barangay Pata sa bayan ng Tuao, Cagayan kamakalawa.
Halos magkaputul-tuol ang katawan ng mga biktimang sina Lino Pascual, Mamerto Dingil at ang mag-asawang Angelito at Martina Serrano na pawang nakatira sa nabanggit na barangay.
Samantala, sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Dionisio Pentecostes, 49.
Base sa police report, makikisalo sana ang suspek sa mga biktimang nag-iinuman nang bigla itong umatras sa pag-aakalang pagtutulungan siyang papatayin.
Kaagad na umuwi ang suspek mula sa nagtatawanang mga biktima na sinasabing mga lango na sa alak.
Pagbalik ng suspek ay isa-isang pinagtataga ang mga biktima na animo’y gumagapas ng talahib.
Duguan at nangingisay pa ang iba sa mga biktima kung saan mabilis naman sumuko sa pulisya ang suspek na sinasabing nawala sa sariling bait habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest
- Trending